Flights patungong Mactan Airport, ida-divert na sa NAIA

Inatasan ng Malakanyang ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng testing at quarantine protocols sa lahat ng mga biyahero na galing sa ibang bansa.

Ito ay kahit pa may kaniya-kaniyang protocol na ipinatutupad ang mga lokal na pamahalaan.

Sa inilabas na memorandum circular ng Malakanyang na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea, inaatasan ang lahat ng departamento na tiyaking susundin ang kautusang ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Maliban dito, ipinag-utos din ng Malakanyang ang pagpapa-divert sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng lahat ng inbound flights na patungo sa Mactan-Cebu International Airport.

Magiging epektibo ito simula alas-12:01 ng madaling araw ng Sabado, May 29 at tatagal hanggang alas-11:59 ng gabi ng June 5, 2021.

Pinatitiyak naman ng Malakanyang sa Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA) ang maayos na diversion ng mga flight para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Facebook Comments