Flood control at Pharmally anomaly, kasama sa mga bibigyan pansin ng bagong talagang ombudsman na si Jesus Crispin Remulla

Tiniyak ng bagong talagang Ombudsman na tututukan nito ang anomalya sa flood control projects at ang isyu sa pharmally noong nakaraang administrasyon.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, ito ay para masigurong magkakaroon ng maayos na pagbuo ng kaso at maisampa ito sa Sandiganbayan o sa mababang hukuman.

Kasama sa muling sisilipin ng Office of the Ombudsman ang usapin sa umano’y maanomalyang pagbili sa mga overpriced na medical supplies para sa Coronavirus disease 2019 o COVID-19 pandemic noong nakaraang administrasyon.

Ani Remulla, tila daw kasi ay nakalimutan na rin ang pharmally scandal na nasa ₱40 billion ang pondo ng Department of Health (DOH) ang ginamit ng procurement service ng Department of Budget Management o DBM sa pagbili ng sinasabing sobrang mahal na mga produkto.

Dapat lang aniyang bisitahin ang naturang isyu dahil sa matinding ingay noon na nagkaroon ng anomalya sa pagbili ng kagamitan para sa COVID pero wala ring nangyari pagkatapos ng imbestigasyon.

Nanindigan si Remulla na ebidensiya ang magiging batayan sa imbestigasyon ng Ombudsman at sa pagsusulong ng mga kaso.

Tniyak din nitong wala silang sisinuhin kaalyado man o hindi ng kasalukuyang administrasyon at ano man ang katayuan sa gobyerno.

Facebook Comments