Flood control management ng DPWH, mayroong mahigit ₱1 billion na pondo kada-araw

Mahigit sa isang bilyong piso sa bawat araw ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control management.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Works, binusisi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang kabuuang pondo ng DPWH para sa flood control kung saan lumalabas na kada araw ay P1.079 billion ang pondo ng ahensya para tugunan ang matinding pagbaha pero nagtataka naman ang senador dahil hindi ito nararamdaman ng mga kababayan.

Ang mahigit isang bilyong pisong pondo kada araw para sa flood control ay nanggaling sa P183 billion na flood control management fund ngayong 2023, dagdag pa rito ang P94 billion na pondo para sa ‘other projects’ at foreign assisted budget na P2.8 billion na sa kabuuan ay nasa humigit kumulang P280 billion.


Kinatigan naman ni DPWH Secretary Manuel Bonoan ang kabuuang pondo ng ahensya para sa flood control projects na para lang ngayong taon.

Hindi pa kasama sa pondong ito ang budget proposal ng DPWH sa 2024 na P216 billion para sa flood control management at P33 billion para sa other projects.

Katwiran naman ni Bonoan na kaya hindi pa agad nararamdaman ang mga proyekto ay dahil dalawang taon pa naman ang implementasyon ng mga flood control projects na gagawin hanggang sa pagtatapos ng 2024.

Hindi naman kumbinsido si Villanueva na napakikinabangan talaga ng 200,000 na mga kababayang lubog pa rin sa baha hanggang ngayon ang mahigit isang bilyong piso kada araw na pondo sa flood control projects.

Sinabi naman ni Public Works Committee Chairman Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., na pag-aaralan nila ang pagpapakilos sa oversight committee para masilip kung namo-monitor, naiinspeksyon at kung ano na ang status ng mga on-going na flood control projects.

Facebook Comments