Nasa 15 hanggang 20 taon na ang mga flood control projects sa bansa kaya hindi na ito angkop sa kasalukuyang panahon dahil na rin sa pagtaas ng populasyon.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang lumalaki ang bilang ng populasyon ay dumarami ang basura kaya nagbabara na rin pati ang mga daanan ng tubig at drainage.
Ito aniya ang dahilan kung bakit naglatag sila ng mas maraming proyekto sa pagkontrol sa baha.
Hindi aniya tulad ng mga lumang flood control, multi-purpose ang mga bagong proyekto ng pamahalaan dahil ang maiipong tubig sa taas ay pwedeng gamitin sa panahon ng tag-init.
Maaari din itong gawing ipunan ng tubig o water impounding facility sa taas ng ilog at mga bundok para sa taas pa lamang ay maiipon na ang tubig at hindi na ito hahayaang bumaba pa sa mga kalsada.
Dagdag pa ng Pangulo, panahon pa ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson nang huling nagkaroon ng flood control projects kaya gagamitin aniya itong basehan ng pamahalaan para sa mga itatayong panibagong disenyo at mas high-tech na proyekto.