Thursday, January 15, 2026

Flood control probe, hindi dapat gawing kondisyon sa impeachment ni VP Sara — Malacañang

Nilinaw ng Malacañang na magkaibang usapin ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects at ang usaping impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang tugon ng Palasyo sa pahayag ni Navotas City Rep. Toby Tiangco na hindi siya pipirma sa anumang impeachment complaint laban sa bise presidente hangga’t walang napapanagot na “big fish” sa isyu ng flood control.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi dapat gawing kondisyon o idugtong sa impeachment ang resulta ng imbestigasyon sa flood control anomalies dahil walang direktang kaugnayan dito ang kasong iniuugnay kay VP Sara.

Binigyang-diin din ng Palasyo na tuloy-tuloy ang ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang panagutin ang mga sangkot sa katiwalian, at hindi ito ginagamit bilang panangga o panimbang sa usaping pulitikal.

Giit ng Malacañang, ang pananagutan sa korapsyon at ang proseso ng impeachment ay magkahiwalay na usapin at parehong dapat harapin nang malinaw, patas, at ayon sa batas.

Facebook Comments