Flood control projects at iba pang kahalintulad na proyekto, ipinasisilip ng isang senador

Pinapaimbestigahan ni Senator Erwin Tulfo ang ulat ng pang-aabuso sa mga flood control programs at iba pang kahalintulad na proyekto matapos na tuligsain ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA ang mga palpak at ghost flood control projects.

Inihain ni Tulfo ang Senate Resolution 31 na layong maglatag ng komprehensibo at epektibong pamamaraan na tutugon sa matinding problema sa baha sa bansa.

Tinukoy sa resolusyon na P248.08 billion ang alokasyon para sa Flood Management Program ng DPWH ngayong 2025 habang P244 billion naman ang pondo sa ilalim ng 2024 budget.

Sa kabila ng bilyones na pondong ito para sa flood control projects, inamin ng DPWH na walang integrated flood control master plan ang bansa.

Kung matatandaan din, sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act ay na-veto ni Pangulong Marcos ang P26 billion DPWH projects kasama rito ang P16.7 billion na flood control initiatives dahil hindi consistent sa mga programa, proyekto at aktibidad ng Build Better More ng pamahalaan.

Bukod sa pag-develop ng integrated flood control master plan, iginiit din ni Sen. Erwin ang kahalagahan na ma-asses at matukoy ang mga flood control projects na pabago-bago sa mga prayoridad na proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.

Facebook Comments