FLOOD CONTROL PROJECTS NG DPWH SA STA BARBARA, NAWASAK UMANO DAHIL TINIPID; MAYOR ZAPLAN, DUMEPENSA SA ALEGASYONG PANANAMANTALA SA DREDGER NG LGU

Tinipid umano ang paggawa ng mga flood control projects sa bayan ng Santa Barbara, matapos maglitawan ang naging epekto nito makalipas ang sunod-sunod na bagyo.

Sa mga ibinahaging larawan ng opisina ng alkalde sa IFM News Team, natibag ang mga proyektong isinagawa ng DPWH tulad na lamang sa Leet at Tuliao.

Sa ekslusibong panayam ng IFM News Dagupan kay Santa Barbara Mayor Carlito Zaplan, inilahad nito na mas matibay pa ang flood control projects na pinondohan ng bayan kaysa sa DPWH.

Dahil dito, isusumbong niya umano ito sa kinauukulan upang mabigyang pansin ang mga umano’y substandard na pagkakagawa.

Nilinaw naman ng alkalde ang isyung ipinupukol sa kanya dahil sa umano’y paggamit niya ng dredger na pagmamay-ari ng munisipyo para sa kanyang personal na pakinabang.

Ito umano ay pamumulitika kaya’t hiling nito sa publiko na huwag paniwalaan ang mga maling impormasyon.

Samantala, sinubukan naming hingian ng pahayag ang pamunuan ng DPWH subalit hanggang sa ngayon ay wala pa rin itong sagot. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments