
Tinutukoy na rason ng pagbaha sa Mohon, Arevalo, Iloilo City ang mga flood mitigation structure projects sa ilalim ng ilang kompanyang na-link sa pamilya Discaya—kung saan ang ilang firms na konektado sa kanila ay nadiskubreng walang Mayor’s Permit.
Kahapon, nag-inspeksyon si Iloilo City Mayor Raisa Treñas, kasama si Oton, Iloilo Mayor Sofronio Fusin, sa flood control project na siyang tinuturong rason ng pagbaha sa Arevalo at katabing bayan ng Oton.
Dismayado ang alkalde sa nakita na sitwasyon, kung saan malaking parte ng ilog ang ginawang lane para sa mga bike at ambulansya, ngunit hindi naman madaanan sa gitna dahil sa mga obstruction o nakaharang.
Nadiskubre rin na konektado sa pamilya Discaya ang tatlong section ng flood control projects ng Department of Public Works and Highways Iloilo City District Engineering Office (DPWH-ICDEO).
Ang mga ito ay kinontrata ng St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp., YPR Gen. Contractor and Construction Supply Inc., at St. Matthew Gen. Contractor and Development Corp.
Ang proyekto ay may kabuuang halaga na mahigit P353 milyon.
Base sa project transparency report, pawang kulang ang impormasyon na nailagay tungkol sa mga proyekto lalong-lalo na sa petsa ng pag-umpisa at target na completion date.
Samantala, sa isa pang pahayag, sinabi ni Treñas na walang Mayor’s Permit ang iba pang firm ng mga Discaya na St. Timothy Construction Corporation at Alpha and Omega General Contractor & Development Corporation.
Dahil dito, inutusan ni Treñas ang City Treasurer’s Office na mag-impose ng kailangang tax obligations at i-require na sumunod sa lahat ng regulasyon sa lungsod.
Ikinaalarma din ng alkalde na tatlo sa mga proyekto ng St. Timothy, hindi matukoy ng representative ang actual project sites kahit may na-issue nang Notice to Proceed mula sa City Engineer’s Office sa ilalim ni Engr. Roy Pacanan.









