Nakaposisyon na ngayon sa bawat barangay sa Makati ang mga flood spotters na magbabantay sa pagtaas ng baha sa oras na lumakas at magtuloy-tuloy ang buhos ng ulan bunsod ng Bagyong Tisoy.
Ang mga flood spotters ang magmo-monitor sa lebel ng tubig at mga hindi madadaanang kalsada kung saan magbibigay ang mga ito ng report o update kada 30 minuto.
Tinukoy naman ang mga barangay sa Makati na binabaha kabilang dyan ang Barangay Palanan, San Isidro, Bangkal, Pio Del Pilar, Magallanes, Singkamas, Tejeros, Kasilawan, Carmona, Olympia, Valenzuela, Poblacion, Guadalupe Viejo at Nuevo, Cembo, West at East Rembo, Comembo, Pembo, at Rizal.
Lumikha na rin ang Makati City government ng joint task force na binubuo ng Philippine National Police, Public Safety Department, Social Welfare, at Department of Engineering and Public Works na siyang tututok sa inspeksyon sa mga mabababang lugar na posibleng bahain pati na ang pagpapatupad ng pre-emptive measures.
Handa na rin ang resources ng lungsod gaya ng rescue teams at clusters na ipinakalat sa iba’t ibang barangay.
Ipinatanggal na rin ang mga billboards, tiniyak na maayos ang disposal ng mga basura, natapos na ang declogging operations at nilinis na rin ang mga delikadong punongkahoy na posibleng maging banta sa buhay o makapinsala sa mga ari-arian.