
May itatakda nang floor price sa presyo ng palay sakaling maibalik sa National Food Authority o NFA ang regulatory mandate.
Dahil dito, pursigido ang NFA na maisulong sa Kongreso ang panukalang maibalik ang kanilang regulatory mandate at market intervention functions.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, kailangang magtakda ang pamahalaan ng floor price dahil na rin sa mababang kuha ng mga negosyante sa kada kilo ng palay.
Tiniyak niyang hindi malulugi ang mga magsasaka kapag naibalik sa kanila ang kapangyarihang mag-regulate sa pagbili at pagbebenta ng bigas.
Sa kasalukuyan, bumibili ang NFA ng malinis at tuyong palay sa halagang P23 hanggang P30 kada kilo, habang ang sariwa at basang palay ay nasa P17 hanggang P23 kada kilo.
Mas mababa naman ang kuha ng mga trader.
Aniya, maging ang pag-import ng palay ay ililimita rin at gagawin tuwing anihan para mabili pa rin sa mataas na presyo ang palay mula sa mga local farmer.
Maliban sa palay, bibili na rin ang NFA ng bigas sa mga magsasaka na nakapaloob sa draft bill.









