Kumpirmadong manonood si Floyd Mayweather Jr. sa laban ni Manny Pacquiao kay Keith Thurman para sa World Boxing Association (WBA) welterweight title sa darating na Linggo, oras sa Pilipinas.
Ayon kay Leonard Ellerbe, Chief Executive Officer (CEO) ng Mayweather Promotions, gusto ng undefeated former pound-for-pound na masaksihan ng personal ang bakbakan nina Pacquiao at Thurman.
“Yes, Floyd will be at ringside to watch the fight,” wika ni Ellerbe.
Hindi ito ang unang beses na pumunta si Mayweather sa mga laban ng Pambansang Kamao. Matatandaang pinanood din ng Amerikanong boksingero ang sagupaang Pacquiao-Broner noong Enero.
Matapos talunin si Broner, nagpahaging si Pacman kay Mayweather na muli silang magkita sa boxing ring.
Sa ngayon, wala pang nilalabas na opinyon si Mayweather sa kalalabasang resulta ng paghaharap nina Pacquiao at Thurman pero inaasahan nitong matindi ang pagtutuos ng dalawa.
Samantala, nagbigay ng reaksyon si Ellerbe na kilalang malapit kay Mayweather.
“You got both guys, I think, will be coming into the fight looking for a knockout. I expect to see a knockout,” ani Ellerbe.