“FLR” na pondo, ginamit umano ni dating Speaker Romualdez para maitulak ang impeachment complaint laban kay VP Sara —Escudero

Kinumpirma ni Senator Chiz Escudero na ginamit umano ni dating Speaker Martin Romualdez ang pondo ng FLR o “For Later Release” para sa pagtutulak ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa sesyon ngayon ay panauhin si VP Sara matapos na dumalo sa budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) at matapos makipagpulong sa mga miyembro ng minorya ngayong hapon.

Sa manifestation ni Escudero, sinabi niyang iniipit ni Romualdez ang pondo ng mga kongresista na nasa FLR at hindi ito ilalabas kung hindi sila lalagda sa impeachment complaint laban kay VP Sara.

Ito aniya ang dahilan kung bakit sa kabila ng pagnanais ng ilan na maisulong ang impeachment case ay palagi niya noong sinasabi sa mga kapwa senador na maging maingat at mahinahon dahil kasakiman at hindi accountability ang rason ng reklamong pagpapatalsik sa bise presidente.

Samantala, umapela si Escudero sa mga kasamahang senador na huwag sumunod sa script ni Romualdez at dapat kasama ang dating Speaker sa pasagutin, maimbestigahan at makasuhan.

Naniniwala si Escudero na pinupuntirya siya ngayon dahil siya ang sinisisi ni Romualdez sa pagkakatanggal kay Congressman Zaldy Co noon bilang Appropriations Committee Chairman, ang pag-veto ng pangulo sa FLR ng mga kongresista ngayong taon at ang pagkaka-dismiss sa impeachment case laban kay VP Duterte.

Facebook Comments