Ipinakokonsidera ni Deputy Speaker Bernadette Herrera sa Department of Health (DOH) at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na gamitin muna ang “flu vaccines” sa mga Pilipino bilang dagdag na immunity habang wala pa ang COVID-19 vaccines.
Ayon kay Herrera, ang pagsasagawa ng flu vaccination ay makakatulong din para tanggapin ng publiko ang COVID-19 vaccines.
Sa ganitong paraan aniya ay mawawala ang pag-aalinlangan sa bakuna lalo pa’t marami sa mga Pilipino ang hindi pa handa sa COVID-19 vaccine.
Bukod dito ay makapagbibigay din ng dagdag na “bystander immunity” o proteksyon para makaiwas at labanan ang mga sintomas ng coronavirus disease.
Mainam din aniya ang flu vaccines lalo na sa mga kabataan na hindi pa kasama at mababakunahan ng COVID-19 vaccine.
Agad na pinakikilos ng lady solon ang DOH para sa pag-roll out ng flu vaccine para sa mga health frontliners, kabataan, at senior citizens.