Maaaring magkapagbigay ng proteksyon laban sa COVID-19 ang flu vaccine.
Ito ay base sa resulta ng pag-aaral na ginawa ng mga physician-scientists sa University of Miami Miller School of Medicine na nailathala sa peer-reviewed scientific journal na PLoS One noong August 3.
Lumabas sa pag-aaral na ang taunang pagpapaturok ng anti-flu vaccie ay nakakabawas sa banta ng stroke, sepsis at deep vein thrombosis (DVT) sa mga pasyenteng may COVID-19 at mababa ang tiyansang sila ay maisugod sa emergency at intensive care unit.
Sa interview naman ng RMN Manila, sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na “very encouraging” ang pag-aaral.
“May mga preliminary po na nakikita na data na pag nagka-flu vaccine, although ibang virus naman talaga yung sa flu, parang nakakatulong din na [kapag] nagkakaroon sila ng COVID ay mas mild. Ito po ay very encouraging since karamihan naman po talaga ay nagpapa-flu vaccine, then hopefully, makakatulong din po ito dito sa ating laban against COVID-19,” ani Domingo.
Pero paglilinaw niya, hindi pwedeng gamitin na booster shot ang flu vaccine kontra COVID-19.
“Kasi magkaiba po sila ng antibodies na fino-form sa ating katawan,” dagdag niya.