Bahagyang bumaba ang bilang ng focus crimes sa bansa sa buwan ng Setyembre at Oktubre ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa datos na inilabas ng PNP, nasa 6,214 focus crimes ang naitala sa nakalipas na dalawang buwan o katumbas na 46% na pagbaba mula sa 11,447 na naiulat noong 2019.
Nakatuon ang walong focus crime sa homicide, physical injury, robbery, theft, vehicle theft, motorcycle theft, at rape.
Sa nasabing datos, bumaba ang theft sa 1,846 mula sa 4,013; robbery na may 785 insidente na dati ay 1,694; motorcycle theft na 344 mula sa 711; physical injury na noon ay nasa 1,928 pero nasa 979 na sa ngayon.
Bumaba rin ang kaso ng rape sa 1,075 mula sa 1,672; homicide cases na 242 mula sa dating 30; at murder na dati ay nasa 1,065 pero nasa 898 na sa ngayon.
Samantala, umaasa ang PNP na magbabago na ang tingin ng publiko sa kanila matapos na lumabas ang resulta ng isang survey na nagsasabing isa ang Pilipinas sa pinaka-ligtas na bansa sa buong mundo.
Batay sa “The 2020 Global Law and Order” survey ng American analytics firm na Gallup, kapantay ng Pilipinas ang mga bansang Australia, New Zealand, Poland, at Serbia sa ika-12 na pwesto na may index score na 84 kung saan nararamdaman ng publiko na ligtas at kumpiyansa sila sa pagbabantay sa seguridad ng mga pulis.
Sinabi naman ni PNP Deputy chief for Administration Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, na ang nasabing resulta ng survey ay bunsod na rin ng police visibility at ang kampaniya ng gobyerno hinggil sa iligal na droga.