Cauayan City, Isabela -Pinangunahan ng International Alert ang 2nd Isabela Focus Group Discussion kaugnay sa GRP-NDF Peace Talks ngayong araw sa Conference Hall ng Department of Agriculture Office sa Barangay San Fermin Cauayan City, Isabela.
Ayon kay Rene Navata ng International Alert sa naging panayam ng RMN Cauayan, layunin umano ng isang araw na pulong na makabuo ng malawakang miyembro ng lipunan na tinatanggap ang pagsusulong upang mabigyan ng kasagutan at pag-usapan ang mahigit sa limampung taong problema sa insurhensiya ng bansa na siyang pumipigil sa pag-unlad ng ekonomiya.
Paliwanag pa ni Navata na sa nasabing pagpupulong ay mahanapan ng makatarungang solusyon sa napakatagal nang giyera sa pagitan ng gobyerno at NDF.
Layunin din umano na mabigyan ng kaalaman ang publiko sa direksyon ng pag-uusap ng NDF at ng pamahalaan dahil ang makikinabang umano dito sa huli ay ang taong bayan.
Samantala ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan ng mga peace advocates tulad ng Patriotic Action for Democracy o PADER,Gurdians, rebel returnees, bishops, church group at mga indibidwal na mula rin sa mga coastal areas dito sa lalawigan ng Isabela.