FOI Bill, pinasesertipikahang “urgent” kay Pangulong Rodrigo Duterte

Pinasesertipikahang urgent ni Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Freedom of Information (FOI) Bill.

Giit ni Villanueva, kapag naisabatas ang FOI Bill ay maituturing itong “crowning legacy” sa kasaysayan na iiwan ng administrasyong Duterte para sa krusada nito laban sa korapsyon.

Magmula aniya noong 1992 o 9th Congress ay paulit ulit na inihahain sa Kongreso ang FOI Bill.


Sa oras na maging ganap na batas ang FOI Bill, tiyak na mapapahusay at maitataas ang transparency ng pamahalaan at makakatulong din ito sa “liberal flow” ng mga mahahalaga at kritikal na impormasyon at dokumentong kinakailangan ng publiko mula sa mga public official.

Maoobliga rin aniya ang mga ahensya ng gobyerno na isapubliko ang lahat ng mga transaksyon at mga dokumento basta’t ang mga ito ay hindi makakakompromiso sa national security, right to privacy sa personal at mga sensitibong impormasyon, trade at financial secrets, at privileged communications.

Dahil limang buwan na lamang ay halalan na sa 2022, umaapela si Villanueva na madaliin at sertipikahang urgent na ang FOI Bill.

Facebook Comments