Fontana Leisure Park sa Mabalacat, Pampanga na pinagtaguan ng mga nakatakas sa POGO Hub sa Porac, iimbestigahan din ng Senado

Pinag-aaralan na ring silipin ng Senado ang limang villas sa Fontana Leisure Parks sa Mabalacat, Pampanga na pinakahuling ni-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Dito umano nagpunta at namalagi ang mga tumakas sa Lucky South 99 na POGO hub sa Porac, Pampanga kung saan ang isang villa ay inokupa ng isa sa mga “big bosses” na isang Chinese fugitive na si Huang Zhiyang na kasosyo rin ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Baofu Compound at may mga nakita ring dokumento ni Zhang Ruijin na convicted sa big money laundering cases sa Singapore na konektado rin kay Guo.

Ayon kay Senate Committee on Women Chairperson Risa Hontiveros, posibleng imbestigahan na rin nila ang Fontana para sa pagkumpleto ng imbestigasyon sa mga POGO.


Giit ni Hontiveros, napakalawak na ng mga koneksyon ng POGO sa bansa kung saan malaki ang posibilidad na magkakaugnay at mayroong grupo ng mga kompanya ang nasa likod nito.

Ito aniya ay dahil kapag may sinasalakay ang mga awtoridad at nakakatakas ang ilan ay tumatakbo at nagtatago lamang sila sa ibang mga POGO.

Mas lalong tumitibay ang paniniwala ni Hontiveros na ang problema sa POGO ay hindi na lamang sa ilang lalawigan kundi umabot na ito sa national, regional at maging sa international.

Facebook Comments