Suportado ng mga food and grocery delivery-hailing app services ang House Bill 6958 na layong protektahan ang partner-riders na kabilang sa sektor ng food and grocery delivery services.
Humarap sa virtual hearing ng Committee on Trade and Industry ng Kamara ang pamunuan ng mga food and grocery delivery app services na Grab Food Philippines, Food Panda, Joyride/Happy Move at LalaFood, at nagpahayag ang mga ito ng suporta sa panukala.
Sa ilalim ng Food and Grocery Delivery Services Protection Act na inihain ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin ay binibigyang proteksyon ang partner-riders laban sa mga customers na ‘no show’ at bigla na lamang nagkakansela ng kanilang mga kumpirmadong orders.
Ayon kay Garbin, napakahalaga ng mga serbisyong ito ngayong umiiwas ang publiko sa paglabas ng tahanan dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ay inilatag ng mga food and grocery delivery services ang kanilang mga safeguard measures na ipinapatupad na ngayon para protektahan ang kanilang mga partner-riders laban sa mga mapagsamantalang customers o buyers.
Ilan sa mga proteksyong ibinibigay ngayon ay pag-alis sa ‘cancel button’ sa oras na makumpirma ang order at mabayaran na ito ng rider, otomatikong pagba-block o pag-ban sa system ng mga bogus na buyers/customers, cashless payment gayundin ang reimbursement sa mga partner-riders na ‘no show’ naman ang kanilang buyer.
May ilan ding delivery service app na naglagay na ng kanilang help-desk tulad ng Joyride/Happy Move na nag-shift na sa delivery services ngayong may pandemic.
Samantala, hiniling naman ni Joyride/Happy Move PH VP Noli Eala sa komite na isama rin sa panukala ang mga delivery ng non-food items na nagiging subject din ng mga ‘no-show’ buyers.
Humirit naman si Grab Food PH Public Affairs Manager Atty. Nicka Hosaka sa mga kongresista at sa National Privacy Commission (NPC) na pag-aralan ang iminumungkahi nila noon na pagkuha ng selfie ng customer upang maiwasan ang mga panloloko.
Dagdag pa rito ang apela nila na kung maaari ay magkaroon ng sim-registration at aprubahan na ang National ID system na tiyak na magiging solusyon para mawala na ang mga fraud issues.