Ipinag-utos na ni Manila Mayor Isko Moreno ang pamamahagi ng mga food boxes sa dalawang barangay at dalawang hotel na isasailalim sa lockdown.
Ito’y upang masiguro na hindi magugutom ang mga pamilya na nakatira sa mga barangay na nakatakdang i-lockdown simula mamayang hatinggabi hanggang Linggo dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Nabatid na nais masiguro ng lokal na pamahalaan na mabigyan ng mga food boxes ang nasa 1,019 na pamilya sa Barangay 351; 1,109 sa Barangay 699; at 169 na pamilya sa Barangay 725.
Bawat food box ay naglalaman ng tatlong kilong bigas, 16 na piraso ng canned goods at walong sachet ng kape.
Iginiit ni Moreno na nais niyang masiguro na walang pamilyang magugutom habang naka-lockdown kung saan inatasan niya nag ilang departamento na tumulong sa pamamahagi ng mga food boxes.
Samantala, alas-11:15 ngayong umaga nang idineklarang fire sout ang nangyaring sunog sa Juan Luna street sa Tondo, Maynila.
Nagsimula ang sunog ng alas-10:24 ng umaga na umabot lang sa ikalawang alarma kung saan inaalam na ang pinagmulan ng apoy at kung ilang bahay ang natupok gayundin ang halaga ng mga ari-arian na nadamay sa insidente.