Food poisoning ng mga boy at girl scout sa Sulu, iniimbestigahan na ng Philippine Army

Patuloy na inaalam ng militar ang naging sanhi ng umano’y food-poisoning ng mga dumalo sa 35th Joint Boys Scout at Girls Scout of the Philippines Institutional Camp sa Camp Bud Datu, Barangay Tagbak, Indanan, Sulu.

Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, 78 estudyante at 22 adults, kabilang ang isang sundalo, at si Girls Scout Executive Helen Hajan, ang nakaranas ng pagkahilo, sakit ng sikmura, at nahimatay, matapos na kainin ang inihandang pagkain nitong Sabado.

Agad namang dinala ang mga biktima sa Sanitarium Hospital, Integrated Provincial Health Office, at Camp Bautista Station Hospital para lapatan ng lunas.


Base sa pinakahuling report, 88 pasyente na ang na-discharge at nakauwi na sa kanilang pamilya habang 12 estudyante ang inaasahang makakauwi ngayong araw.

Nagpadala na aniya ng mga food samples Integrated Provincial Health Office para suriin.

Sinabi pa ni Col. Trinidad, ang 8th Field Artillery Battalion, Army Artillery Regiment ng Philippine Army ang nagsilbi ng ginataan sa mga dumalo sa nasabing aktibidad.

Facebook Comments