Malaki ang ibinaba ng bilang ng food poor families sa bansa.
Ito ang iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kay Pangulong Bongbong Marcos sa sectoral meeting sa Malacañang ngayong araw.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nabawasan ng 300,000 ang bilang ng food poor families noong nakaraang taon mula nang simulan ang Food Stamp Program ng pamahalaan.
Batay ito sa datos ng Philippine Statistics Authority, taong 2023 na nagpapakita ng pagbaba ng bilang ng mga pamilyang salat sa pagkain sa 700,000 noong nakaraang taon mula sa isang milyong pamilya noong 2021.
Ang Food Stamp Program ay inilunsad ng pamahalaan noong December 2023 kung saan binibigyan ng 3,000 pesos na halaga ng food credit ang mga benepisyaryo sa pamamagitan ng electronic benefit transfer card na magagamit nilang pambili ng pagkain sa mga KADIWA store.
Sa kasalukuyan ay nasa 182,771 ang bilang ng verified beneficiaries ng Food stamp program.