Food Safety Ordinance, Prayoridad na Ipasa sa Nueva Vizcaya; Suporta sa mga Vegetable Growers, Tiniyak

Cauayan City, Isabela- Isinusulong ng Provincial Government ng Nueva Vizcaya ang Food Safety Program ngayong ipinagdiriwang ang Food Safety Month sa buwan Setyembre 2021.

Sesertipikahan bilang priority ordinance ni Governor Carlos Padilla ang kasalukuyang pagbabalangkas ng ordinansa sa Food Safety kung saan nasa ikalawang pagdinig na ito ng konseho ng Sangguniang Panlalawigan.

Ayon kay Padilla, ito ay hindi lang bilang suporta sa isinusulong ng DA at iba pang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Health kundi ang masiguro ang kalusugan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng produksiyon ng ligtas na pagkain.


Sinabi pa ni Padilla na tutulungan ang mga asosasyon ng mga vegetable producers sa probinsya na magkaroon ng mga pagsasanay at kagamitan upang mapanatiling ligtas ang kanilang produkto sa pamamagitan ng Good Agricultural Practices na isinusulong ng DA.

Pormal din niyang inindorso na kung maaari ay bibigyan din sila ng mga rapid test kits o RTK na makakatulong upang makita kung ang kanilang mga gulay ay mayroong mataas na pesticide residue bago ibenta sa publiko.

Partikular na kanyang tinukoy ang grupo ng Greeners MPC sa Bambang, Nueva Vizcaya dahil sa kanilang programang Farm to City o F2C.

Ang F2C ay isang kasunduan ng grupo at Quezon City Government na mag susupply ang Greeners MPC ng gulay para sa mga residente sa siyudad.

Sabi ng gobernador na dapat ang mga idedeliver na mga produkto ay pawang mga pesticide residue safe.

Samantala, labing tatlo na sa labing limang munisipyo ng Nueva Vizcaya ang practitioners ng Good Agricultural Practices at producers ng pesticide residue safe na mga gulay.

Ayon sa ulat ng Regulatory Division at Food Safety Program ng DA RFO 02, ang mga ito ay ang Kayapa, Bambang, Dupax del Norte, Dupax del Sur, Kasibu, Solano, Bayombong, Villaverde, Quezon, Diadi, Sta. Fe, Aritao at Ambaguio.

Ang mga nasabing bayan ay mabibigyan ng sertipikasyon bilang GAP practitioners sa pagbisita ni Kalihim Dar sa lalawigan bilang pagkilala sa kanilang suporta sa Food Safety Act.

Bukas, nakatakdang bumisita si Agriculture Secretary William Dar upang pangunahan ang Food Safety Month celebration.

Facebook Comments