Manila, Philippines – Sa harap ng pagkaubos ng NFA rice sa merkado, iminungkahi na ng National Food Authority (NFA) sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang pagbuo ng National Rice Reserve.
Ayon kay NFA administrator Jason Aquino, ang reserba ay katumbas dapat ng 15 days national consumption requirement.
Sinabi ni Aquino na may polisiya ang LEDAC na nagtatakda ng 15-day stocks sa sandaling kailanganin at 30-day stock sa panahon ng lean months.
Gayunman, walang nailinaw na accountability sa polisiyang ito ng LEDAC.
Sa ilalim ng pangangasiwa ng NFA, ang ilalatag na National Rice Reserve ay may mga iba ibang components:
Isa rito ay ang patungkol sa food security kung saan ang suplay ay ibubuhos sa merkado sa panahon na masyadong mataas ang presyuhan sa merkado.
Ang National Rice Reserve ay dapat panatilihin kahit sa panahon ng rice surplus dahil walang katiyakan sa tuloy-tuloy na masaganang ani bawat taon dahil sa pagdatal ng kalamidad.
Aniya, hindi dapat iasa ang food security ng bansa sa pribadong sektor sa halip, magpatupad ng hakbangin kung paano mapapatatag ang seguridad sa pagkain.