Food security sa bansa, malayo pang makamit; pagpapalakas at pagpopondo ng malaki sa irigasyon, pinaka-kailangan sa agrikultura

Aminado si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na malayo at matarik pa ang tatahakin ng bansa para ganap na makamit ang food security.

Sa pagdinig ng Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform (CAFAR) sa pangunguna ng Chairman na si Senator Kiko Pangilinan, iginiit ni Laurel na tubig ang pinaka-kailangan sa agrikultura kung saan mangangailangan ng trilyong pisong pondo para sa irigasyon na itinuturing na “lifeblood” ng pagsasaka.

Kung wala aniyang sapat na pondo para sa irigasyon ay mananatiling dependent ang bansa sa mga imports ng mga agricultural products at ang mga yayaman dito ay mga foreign farmers, sa halip na ang ating mga lokal na magsasaka.

Nagpasalamat naman si Laurel na tinaasan ang 2026 budget ng Department of Agriculture (DA), subalit kung target ng gobyerno na maging self-sufficient at mapalakas ang agro-industrial, mahalagang magtugma ang ating investments sa ating ambisyon.

Hiniling din ng kalihim sa Senado na i-revisit, amyendahan, o palitan na ang umiiral na batas na hindi nakakatulong sa mga magsasaka at mga consumers.

Inihalimbawa rito ni Laurel ang Rice Tariffication Law na sa halip na ireporma at palakasin ang rice industry ay banta pa ito na papatay sa local rice sector ng bansa.

Facebook Comments