Iminungkahi ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magtatag ng food terminal sa bawat rehiyon.
Ayon kay Villafuerte, ang naging hakbang ni PBBM na pansamantalang pangasiwaan ang Department of Agriculture o DA ay “crystal clear” o malinaw na mensahe na bibigyang prayoridad ng susunod na administrasyon ang sektor ng agrikultura lalo’t may nagbabadyang food crisis.
Sa mungkahi naman ng kongresista kay PBBM, hiniling nito na tulad sa ginawa ng kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na pagtatatag ng FTI o Food Terminal Inc. ay ito rin ang gawin ng bagong presidente sa ilalim ng pamumuno sa DA.
Matatandaang itinatag ang FTI noon para sa warehousing, food processing, marketing service at trading ng agricultural products.
Umaasa ang kongresista na kapag nagkaroon ng food terminals sa bawat rehiyon ay mapagtutuunan na ng pansin at mas mapapalakas ang kanilang mga ipinagmamalaking produkto.
Inirekomenda rin nito na hugutin sa ‘Build, Build, Build’ program ang suporta para sa modernisasyon sa ating agrikultura para sa pagtatayo ng food terminals sa mga lalawigan sa bansa.