Tiniyak ng Bureau of Corrections (BuCor) na tutulong sila upang maabot ng Muntinlupa City ang pangarap na maging isa sa sports hubs ng bansa.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., bahagi ito ng pagpapakita ng suporta ng ahensiya sa pag-promote ng mga aktibidad at pagbibigay oportunidad para sa paglago ng talent ng mga residente ng lungsod.
Kahapon nang isagawa ang Football Festival Exhibition Game kung saan tampok ang mga manlalarong persons deprived of liberty mula sa New Bilibid Prison Minimum Security Camp.
Idinaos ang palaro sa Sunken Garden ng NBP Compound sa Muntinlupa City.
Sinabi naman ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon na asahan pang madadagdagan ang mga sports facility sa lungsod na makatutulong sa maayos na development ng mga kabataan.
Ayon kay Football Club Bilibid (FCB) manager Rafael Misa, sa ngayon ay marami na rin silang naging scholar mula sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo; at mayroon din silang mga high school students na kumatawan sa nagdaang Palarong Pambansa.