
Pinaiimbestigahan ni Senator Erwin Tulfo ang isang overpriced footbridge sa Maynila na iniwan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi pa tapos.
Tinukoy ng senador na anim na taon nang itinatayo ng DPWH ang Pasig River Esplanade Footbridge at poste pa lamang ang nagagawa rito.
Batay pa sa dokumentong nakuha ni Tulfo mula sa DPWH, nasa P284.32 million ang halaga ng tulay na pinondohan noong 2019 na may habang 360 feet o 107 linear meters.
Ipinunto ng mambabatas na hindi hamak na mas mahal pa ang footbridge na ito na nasa P2.6 million ang halaga kada metro kumpara sa Binondo-Intramuros Bridge at Estrella-Pantaleon Bridge na kapwa nasa Maynila na nagkakahalaga ng P1.3 million kada metro.
Pagpapaliwanagin ni Sen. Erwin ang DPWH partikular si Usec. Ador Canlas kung bakit mas mahal pa ang footbridge kumpara sa dalawang tulay na daanan ng mga sasakyan.
Bubusisiin ng senador kung papaanong naubos na ang P283 million na pondo at bakit pinayagan ang napakamahal na footbridge.









