Cauayan City, Isabela- Nagsagawa na ng “forced” evacuation o pagpapalikas ang mga rescue team sa mga lugar na apektado ng pagbaha sa Lambak Cagayan.
Sa datos na ibinahagi ng PIA Region 2 mula kay Michael Conag, Civil Defense Officer ng Office of the Civil Defense Region 2, umabot na sa 259 na pamilya na may 1,047 na katao ang lumikas simula pa kahapon.
Pinakamarami ang mula sa Cagayan na may 195 na pamilya, 47 sa Isabela, 11 na Nueva Vizcaya at anim (6) sa Quirino.
Mula sa 259 pamilya, 139 na pamilya ang nasa loob ng mga evacuation center samantalang 120 naman ang lumikas sa kanilang mga kamag-anak o kapitbahay na may mas ligtas na tahanan.
Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang paglilikas sa mga pamilya na nasa mga binabahang lugar dahil sa patuloy pa rin ang pag-apaw ng mga ilog sanhi na rin ng tuluy-tuloy na buhos ng ulan.