Manila, Philippines – Inirekomenda ni Special Envoy to the Middle East Roy Cimatu kay Pangulong Rodrigo Duterte na itaas na sa alert level 4 ang paghahanda kaugnay ng namumuong tensyon sa rehiyon.
Nangangahulugan na gagawin nang puwersahan ang paglilikas sa mga Pilipinong posibleng maipit sa sandaling sumiklab ang giyera.
Sa ngayon ay nasa alert level 3 sa Iraq na ang ibig sabihin ay voluntary repatriation ang ipatutupad.
Sa kaniyang pagharap sa media sa DENR Central office, ipinakita pa ni Cimatu ang akda niyang aklat na may pamagat na “out of harm’s way” na nagdedatalye ng ginawa niyang evacuation plan nang sakupin ng US ang Iraq.
Ayon kay Cimatu, iba ang sitwasyon ngayon kumpara noong pabagsakin si Saddam Hussein dahil sa posibilidad ng retaliation o ganting atake ng mga puwersang sumisimpatiya sa Iran.
Kaya ang tutok ng evacuation plan ay lahat ng hotspots sa rehiyon partikukar ang mga bansa na malalapit sa mga Americans installation.
Sa tantiya ni Cimatu, abot sa libo ang mga documented Pinoy sa Iraq. Kabilang sa posibleng gamitin sa pagbiyahe sa mga ililikas na Pinoy ay coastguard vessel katulad ng nakakadaong sa Malta.