Sisikapin ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na makumbinsi ang ibang mga bansa na ang Pilipinas ay tumatalima sa human rights treaties sa gaganaping UN Human Rights Council meeting sa Geneva sa susunod na linggo.
Sa pagharap ni Manalo sa makapangyarihang Commission on Appointments, naitanong ni Senator Francis Tolentino kung ano ang gagawin ng Department of Foreign Affairs (DFA) para himukin ang ibang mga bansa na maniwala na ang Pilipinas ay sumusunod sa itinatakda ng human rights conventions sa kabila ng mga pag-atake na ginagawa ng European Union at western countries patungkol sa mga isyu ng karapatang pantao sa bansa.
Tugon ni Manalo, gagamitin niyang pagkakataon ang pulong sa Geneva para kumbinsihin ang mga partners sa abroad na ang Pilipinas ay sumusunod sa lahat ng human rights conventions at mahigpit na ipinapatupad ang human rights program at human rights agreement.
Ipapakita niya na ang Pilipinas ay fully-cooperative, bukas at transparent sa pagtugon sa mga human rights issues.
Dagdag pa ng kalihim, nais niyang magpatupad ng isang “positive approach” sa mga isyu patungkol sa karapatang pantao na ang magiging focus ay ang kooperasyon sa ibang mga bansa.