Kinumpirma ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., ang post ni bagong US Secretary of State Anthony John Blinken sa kanyang Twitter account hinggil sa naging pag-uusap nila ng kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Partikular ang tweet ni Blinken na nagkaroon siya ng “great conversation” kay Locsin at napag-usapan nila ang hinggil sa alyansa ng Pilipinas at US.
Sumagot naman ng tweet si Locsin kung saan sinabi nito na magkakaroon pa sila ng mga susunod na pag-uusap ng Secretary of State sa ilalim ng administrasyon ni bagong US President Joe Biden.
May pahabol ding sagot si Locsin kay Blinken na ipaabot nito kay Biden ang kanilang napag-usapan at nagpasalamat siya sa tawag sa telepono ng US Secretary of State.
Ayon pa kay Locsin, sa ngayon ay kailangan niya munang sumailalim sa quarantine matapos na ma-expose sa ilang kasamahan sa DFA na nagpositibo sa COVID-19.
Ito ay bagama’t negatibo naman aniya ang resulta ng kanyang COVID-19 test.
Inanunsyo rin ni Locsin na isasailalim muna sa lockdown ang gusali ng DFA hanggang Martes kung saan sila ay muli ring sasailalim sa COVID-19 test.