Hindi kailanman aabandonahin ng Pilipinas ang claims nito sa Sabah at West Philippine Sea.
Ito ang paninindigan ni Foreign Affairs Secretary Teodore Locsin Jr. matapos na magbanta ang Malaysian Ministry of Foreign Affairs na ipatatawag si Philippine Ambassador To Malaysia Charles Jose kasunod ng tweet ng kalihim hinggil sa claim ng Pilipinas sa Sabah.
Ayon kay Locsin, patuloy na igigiit ng Pilipinas ang karapatan nito sa Sabah at Spratlys.
Ibinulgar din ng kalihim ang aniya’y pagtatangka ng Malaysia na harangin ang arbitral award na naipanalo ng Pilipinas sa The Hague laban sa pang-aangkin ng China sa West Philippine Sea.
Samantala, nagbanta rin si Locsin na ipatatawag din niya ang Malaysian Ambassador.
Una rito, sinabi ni Malaysian Foreign Minister Hishammudin Hussein na iresponsable ang pahayag ni Locsin at maaari itong makaapekto sa relasyon ng Pilipinas at Malaysia.
Ang Sabah ay inaangkin ng Pilipinas batay sa land lease agreement noong 1878 sa pagitan ng Sultanato ng Sulu at British North Borneo Chartered Co.