
Naniniwala ang Malacañang na mananatiling matatag ang tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas sa kabila ng mga alegasyon ng korapsyon sa ilang proyekto ng imprastraktura.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, nagbibigay ng katiyakan ang matibay na paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa katiwalian, hindi lamang sa publiko kundi pati sa international community, na seryoso ang gobyerno sa pagsusulong ng transparency at accountability.
Dagdag pa ni Castro, ipinapakita ng tapang ng Pangulo ang sinseridad ng pamahalaan sa paglilinis ng hanay ng gobyerno.
Binigyang-diin din ng Malacañang na si Pangulong Marcos ang unang lider ng bansa na nagpaimbestiga ng malawakang anomalya sa mga proyekto ng gobyerno sa ilalim mismo ng kanyang termino.









