Napagkasunduan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) sa ginanap nilang pulong kahapon na payagan nang makapasok sa bansa ang foreign nationals with long-term visas simula August 1, 2020.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, bagama’t pinapayagan na silang makapasok sa bansa may ilang kondisyon na inilatag ang IATF.
Bago tuluyang makapasok ang mga banyaga sa Pilipinas, kinakailangang mayroon na silang existing visa.
Ibig sabihin, hindi pa rin papayagan ang mayroong bago o kaka-issue pa lamang na visa, subject din ang mga ito sa maximum capacity ng inbound passengers sa alinmang port of entry ng bansa kung saan binibigyang prayoridad pa rin ang returning Overseas Filipinos Workers (OFWs).
Kinakailangan ding maipakita ng foreign nationals ang kanilang pre-booked accredited quarantine facility at pre-booked COVID-19 testing provider.