Foreman, Sugatan sa Pananaksak ng Kanyang Welder!

Cauayan City, Isabela- Nagpapagaling pa rin sa pagamutan ang isang foreman matapos itong saksakin sa tiyan ng kanyang welder sa Bennet Heights, Brgy. Don Mariano Perez, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang biktima na si Marlon Aggasid, 49-anyos, may-asawa, foreman at residente ng Brgy. Rizal, Diffun, Quirino habang ang suspek ay si Joe Camba, 32-anyos, may-asawa, welder at residente ng Brgy. Oscaris, Ramon, Isabela.

Batay sa ulat ng PNP Bayombong, nag-inuman kamakalawa ng gabi ang dalawa kasama ang iba pang trabahador at ilang sandali pa ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa.


Nag-ugat ang kanilang alitan matapos umanong sitahin ng biktima ang suspek dahil sa mali nitong pagwe-welding sa kinukumpuning bahay.

Napikon ang suspek hanggang sa magsuntukan ang mga ito at nasaksaksak ni Camba ang tiyan si Aggasid.

Agad namang dinala sa ospital si Aggasid para sa kaukulang lunas habang sumuko naman si Camba sa himpilan ng pulisya.

Facebook Comments