Nasunog ang bahagi ng kabundukan sa mga barangay ng Bunagan, Muelang, at Pacalat sa Mangatarem noong hapon ng Linggo, Pebrero 15.
Sa kasalukuyan, hindi pa natutukoy ang pinagmulan ng apoy, ngunit makikita sa mga litratong ibinahagi ng lokal na pamahalaan ang lawak ng sunog na tila linya na bumarikada sa bahagi ng kabundukan.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad, kabilang ang mga forest rangers, upang matukoy ang kabuuang sakop ng pinsala at ang posibleng hakbang upang maapula ang apoy.
Kaugnay nito, nanawagan ang tanggapan sa pakikiisa ng mga residente sa agarang pag-uulat ng mga kahalintulad na insidente upang hindi na maulit, lalo na ngayong papalapit ang tag-init kung kailan mas madalas makapagtala ng forest fire.
Facebook Comments







