Naglabas na ng pahayag si dating Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco matapos itong sibakin sa pwesto.
Ayon kay Tansingco, nagpapasalamat pa rin siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagkakataong makapagsilbi sa ilalim ng administrasyon.
Tiniyak ni Tansingco na tinutugunan nila ang mga problema ng ahensiya gaya ng pagkontrol sa mga border, pagbabantay sa international ports of entry and exit at pagsiguro na hindi nabibiktima ng trafficking ang mga Pilipino.
Nagkaroon din aniya ng mga pagbabago at reporma sa ilalim ng kaniyang pamumuno sa kabila umano ng mga limitasyon.
Sa ngayon, tuloy pa rin daw ang tungkulin ng Immigration at ang pakikipag-tulungan sa Interpol at maging sa counterparts sa ibang bansa upang mapabalik ang mga puganteng nagtatago sa batas.
Sa huli, binati ni Tansingco ang susunod na mamumuno sa ahensiya na binubuo raw ng dedicated professionals.