Former Chief Justice Panganiban, kinuwestyon ang legalidad ng Konektadong Pinoy Bill

Former Chief Justice Panganiban, kinuwestyon ang legalidad ng Konektadong Pinoy Bill

Dating Chief Justice Artemio V. Panganiban nagpahayag ng seryosong pag-aalinlangan at pagkabahala sa legalidad ng Konektadong Pinoy bill (KPB) na kasalukuyang isinasaalang-alang na pamamaraan upang maisakatuparan ang digital transformation agenda na nais ng pamahalaan.

Ito’y makaraang mailathala ng dating chief justice ang kanyang kolum sa pahayagan noong Hulyo 21 na kung saan sinabi ni Panganiban na ang Senate Bill No. 2103 o KP bill ay “nobly aimed but constitutionally flawed.”

Binigyang diin ni Panganiban ang posibleng paglabag ng panukala sa saligang batas partikular na ang Section 17 ng Article XII ng 1987 Constitution na nagsasaad na maaaring pamunuan ng pamahalaan ang operasyon ng anumang pribadong pag-aari na pampublikong utility o negosyo na may kinalaman sa interes ng publiko kapag may national emergency.

Layunin nitong matiyak na may sapat na kapangyarihan ang estado upang agarang kumilos at epektibong tugunan ang mga kritikal na sitwasyon para sa kapakanan ng bansa. Subalit sa kasalukuyang bersyon ng KP bill ay pinapayagan nito ang mga foreign-based data transmission industry participants na mag-operate sa Pilipinas kahit wala umano itong mga pisikal na imprastraktura o operational facilities sa bansa.

“The concern is not merely regulatory; it is existential. Without the ability to assert control in emergencies, the State’s constitutional tools become ceremonial, not functional,” sabi ni Panganiban.

Binigyang pansin din ng dating chief justice ang Section 14 ng panukala na nagbibigay umano ng malaking pabor para sa mga satellite operators. Ayon sa nasabing probisyon, hindi na kailangan umanong makipag-partner ng mga ito sa mga lokal na public telecommunications entities upang makakonekta sa broadband networks at makagamit ng radio spectrum.

“This free connectivity bypasses licensing conditions historically imposed on terrestrial operators and effectively exempts satellite players from obligations others must meet,” saad pa ng dating Chief Justice.

Bagaman pinapayagan ng Equal Protection Clause ng Konstitusyon ang pagkakaroon ng klasipikasyon sa batas dapat pa rin umano itong ibatay sa makabuluhang pagkakaiba na may kinalaman sa layunin ng batas.

“Both satellite and terrestrial entities perform the same essential function—delivering data services to the public. There is no reason why satellite entities should be exempt from the same regulatory oversight,” ani Panganiban.

Taliwas din umano sa layunin ng technological neutrality ang ilang probisyon ng panukala tulad ng Section 19 na siyang idinedeklara ang technological neutrality ng KP bill kung saan ang mismong probisyon umano ang lumayo sa naturang misyon nito.

“A law that favors one delivery platform over another, absent a valid rationale, is both internally inconsistent and constitutionally abhorrent,” dagdag pa ni Panganiban.

Bagamat kinilala ni Panganiban ang pangangailangan para sa mas mabilis, abot-kaya, at mas malawak na internet access, iginiit niyang kailangang masunod ang mga panuntunang itinakda ng Saligang Batas.

“The challenge for our esteemed legislators, then, is to navigate the shifting landscape of technology without abandoning the steady compass of constitutional order,” pagtatapos ng dating chief justice.

Bukod kay Panganiban, nagpahayag din ng pag-aalinlangan ang ilang telecommunications stakeholders hinggil sa dalawang taong compliance window na itinakda sa panukala na anila ay hindi sapat upang maabot ang kinakailangang cybersecurity standards.

Gayunpaman, sa kabila ng mga babala at pagtutol mula sa ilang sektor nagpahayag naman ang DICT ng kumpiyansa na maisasabatas ang Konektadong Pinoy Bill sa kabila ng mga pangambang inihain ukol sa negatibong epekto nito sa pambansang seguridad at paglabag sa saligang batas.

Facebook Comments