Ang financial assistance ay iginawad sa headquarters ng 17th Infantry Battalion sa Bangag, Lal-lo, Cagayan.
Tumanggap sina alyas Maria at alyas Raffy ng tig P10,000 education grant sa ilalim ng programa ng CHR.
Ayon kay Carlo Agustin, Senior Investigator sa ngalan ni Atty Jimmy Baliga, Regional Director ng CHR R2, ang tulong ay ibinibigay sa mga menor de edad na nakaranas ng pang-aabuso.
Dagdag pa niya, layon nito na matulungan ang mga kabataan na muling maibalik at matamasa ang kanilang karapatan.
Kaugnay nito, ipinahayag naman ng mga benepisyaryo ang kanilang pasasalamat sa gobyerno sa pagtulong sa kanila na makabalik sa normal na pamumuhay.
Ayon kay alyas Maria, nakumbinsi siyang sumali sa mga teroristang grupo dahil pinangakuan silang pag-aaralin ngunit imbes na makapag-aral sa eskwela ay pinaaral umano sila kung paano humawak ng baril.
Ang dalawang former rebels ay naging miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley noong sila’y 17-taong gulang palang.
Samantala, sa tulong ng 17IB sila ay matagumpay na nahikayat na magbalik-loob sa pamahalaan noong nakaraang taon.
Bukod sa educational assistance, nakatanggap din sila ng iba pang benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program.