
Kinumpirma ng Malacañang na konektado pa rin sa Department of Justice (DOJ) ang nagbitiw na Justice Undersecretary na si Jose “Jojo” Cadiz Jr.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro, base sa kumpirmasyon ng DOJ Spokesperson na si Polo Martinez, nakikita pa rin si Cadiz sa loob ng DOJ compound kahit pa nagbitiw na ito sa kanyang puwesto.
Gayunpaman, tikom pa ang Malacañang kung tinanggap na ba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang resignation ni Cadiz, kaya nananatili pa rin umano ang ugnayan nito sa DOJ.
Bago ang kanyang pagbibitiw, si Cadiz ay nagsilbing Undersecretary for Immigration and Special Concerns Cluster.
Nag-resign si Cadiz kasunod ng paglabas ng alegasyong siya umano ay sangkot sa isyu ng pagiging “bagman” at pangongolekta ng kickback, bagay na mariing itinanggi ng Malacañang.
May mga ulat ding nagsasabing dating personal aide ng pangulo si Cadiz, ngunit hindi ito kinumpirma ng Palasyo.










