Ipinagtanggol ni dating Senate President Juan Ponce Enrile si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay ng hindi pagbabayad ng ₱203 bilyon estate tax.
Sa interview ng RMN News Nationwide, sinabi ni Enrile na hindi maaaring patawan ng halaga si Marcos dahil buhay pa siya at wala pa o hindi pa naibibigay ang kanyang mana mula sa pinag-uusapang ari-arian.
Aniya, tungkulin ng estate administrator na tipunin ang mga ari-arian, mga pananagutan at pagkatapos ay itatag ang plano ng paghahati.
Oras na maipon at mahati na ang lahat ng mga ari-arian, maaari na itong ibenta para mabayaran ang mga pananagutan.
Giit pa ni Enrile, walang paglabag si Marcos kung hindi naibenta ng mga administrador ang mga ari-arian para ma-liquidate ang mga pananagutan at kung ipahiwatig nila ito sa kanilang mga tax return.
Dapat aniyang linawin ng Supreme Court (SC) ang desisyon nito hinggil sa nasabing estate tax.