FORMER SPEAKER JOSE DE VENECIA JR., BINIGYANG PUGAY NG MGA KAANAK AT KAIBIGAN SA PAGBABALIK NITO SA DAGUPAN CITY

Mula noong sabado, ika-14 ng Pebrero, inilagak pansamantala ang mga labi ng namayapang dating five-time House Speaker na si Jose ‘Joe’ De Venecia Jr. sa Dagupan City, kung saan mainit siyang sinalubong ng mga Dagupeño.

Sa unang gabi ng Necrological Service nito, inihayag ng may bahay nito at kasalukuyang Pangasinan 4th District Representative na si Manay Gina De Venecia ang mga nagawa ng asawa nito, hindi lamang sa kanilang pamilya kundi maging sa bansa.

Sinariwa naman ng anak nitong si dating Congressman Christopher ‘Toff’ De Venecia ang mga naging adhikain ng kanyang ama, lalo na sa usaping serbisyo sa publiko.

Sa unang gabi, bumisita ang ilang personalidad tulad ni Pangasinan Governor Ramon Guico Jr. kasama ang ama nito at ilan pang opisyal ng lalawigan at mga kalapit bayan.

Umaga naman ng 15 ng Pebrero, bumisita si Vice President Sara Duterte at ang dating Pangulo at naging kasangga ni Manong Joe na si Gloria Macapagal Arroyo.

Inaasahan namang ihahatid sa Batasang Pambansa ngayong araw ang labi ni Manong Joe upang bigyang pugay sa mga naging kontribusyon nito bilang mambabatas.

Namatay si Manong Joe noong 10 ng Pebrero sa edad na 89 at nakatakdang ilibing sa libingan ng mga bayani sa Pebrero 18. #

Facebook Comments