Aminado ang Philippine National Police (PNP) na posibleng may nagkakanlong kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon kay PNP PIO Chief PBGen. Jean Fajardo, ito’y dahil base sa datos ng Bureau of Immigration (BI) ay wala pang indikasyon na nakalabas na ito ng bansa.
Si Roque ay mayroong arrest order mula sa House Quad Committee makaraang tumangging humarap sa pagdinig at bigong magsumite ng mga dokumento na hinihingi sa kaniya ng komite hinggil sa umano’y kaugnayan nito sa illegal POGO operations.
Una nang sinabi ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na nahihirapan silang matunton si Roque dahil sa mabilis itong nakakalipat ng lugar sa tuwing malapit na itong matunton at arestuhin ng mga pulis.
Kasunod nito, nagbabala ang PNP sa sinumang nagkakanlong o nagtatago kay Roque na maaring maharap sa kaparusahan.