Manila, Philippines – Umapela ang Department of Justice (DOJ) sa Valenzuela Regional Trial Court na baligtarin ang nauna nitong pagbasura sa kasong transportation of illegal drugs laban sa negosyanteng si Chen Julong alyas Richard Tan, customs fixer Mark Taguba at iba pang akusado sa P6.4 billion shabu shipment mula sa China.
Sa desisyon ng mababang hukuman noong April 23, 2018, kinatigan nito ang motion to dismiss ad cautelam na inihain nina Julong at Taguba dahil sa tinatawag na forum shopping.
Ang forum shopping ay nagaganap kung ang isang kaso ay inihain sa magkahiwalay na hukuman sa pag-asang makakakuha ang prosekusyon ng paborableng kaso sa isa sa mga korte.
Bukod kasi sa Valenzuela RTC, naghain din ang DOJ ng kasong drug importation laban sa mga sangkot sa shabu shipment sa Manila Regional Trial Court.
Itinanggi ng DOJ panel na sila ay nakagawa ng forum shopping.
Anila, ang dalawang kaso kaugnay sa shabu shipment ay inihain nila batay sa dalawang magkahiwalay na probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, Section 4 na tumutukoy sa importation at Section 5 na tumutukoy sa transportation.
Ayon pa sa DOJ, magkakaiba rin ang elemento ng dalawang paglabag.