Hindi na kinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) ang anggulong foul play sa pagkasawi ni Police Lt. Col. Ben Isidore Aclan.
Sa ulat ni PCol. Glenn Silvio, provincial director ng Laguna Police sa Kampo Krame, sinabi nitong isinasantabi na nila ang foul play sa insidente sapagkat mag-isa lang sa kwarto noon si Aclan nang marinig ang putok ng baril na nagresulta sa kanyang pagkakasawi.
Sa ngayon, hindi pa masabi ni Silvio kung sinadya o accidental firing ang nangyari.
Aniya, hihintayin muna nilang lumabas ang autopsy report.
Base sa inisyal na imbestigasyon, narinig umano ng personal security ng opisyal ang putok ng baril mula sa kuwarto ni PLt. Col. Aclan.
Agad umanong rumesponde ang kanyang aide at pagpasok niya sa kwarto ay nakita niya na lamang itong nakahandusay at wala nang buhay.