Hindi dadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ikasampung pagdinig ng House Quad Committee na nakatakda bukas, Huwebes, November 7 base sa apat na pahinang liham ng kanyang abogado na si Atty. Martin Delgra III.
Nakasaad sa liham na bagama’t nirerespeto ng dating pangulo ang pagdinig ay duda ito sa integridad, independence at probity ng House Quad Committee.
Sabi ni Delgra, lumalabas na ang layunin ng imbestigasyon ng Kamara ay idiin si dating Pangulong Duterte sa mga krimen na hindi nito ginawa.
Tinukoy ni Delgra ang pahayag ng co-chairman ng komite na si Manila 6th District Representative Benny Abante na dapat papanagutin si Duterte sa crime against humanity.
Bunsod nito ay sinabi ni Delgra ang hamon ni dating Pangulong Duterte na sampahan sya ng kaso sa Department of Justice (DOJ).
Nababahala din aniya si Duterte sa pag-pressure ng Quad Committee sa kanilang mga resource person para aminin under oath ang mga bagay kahit wala naman silang sapat na kaalaman.
Nakasaad sa liham ni Delgra na dumalo na si Duterte sa syam na oras na pagdinig ng Senado kung saan nito inilahad ang lahat ng kanyang nalalaman ukol sa extra judicial killings na nangyari sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Kaya naman mungkahi ni Duterte, para makatipid sa oras at pera ng taumbayan ay makabubuting ibahagi na lang sa Quad Committee ang transcript ng naturang Senate hearing.