FPRRD, kasama na rin sa iimbitahan sa drug war probe ng Senado sa susunod na Lunes

Iimbitahan na ng Senate Blue Ribbon subcommittee si dating Pangulong Rodrigo Duterte para paharapin sa imbestigasyon tungkol sa war on drugs ng kanyang dating administrasyon.

Ayon kay subcommittee Chairman at Senate Minority Leader Koko Pimentel, sinabihan siya si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na gustong dumalo ng dating pangulo sa pagdinig ng Senado kaya naman isinama na niya ito sa listahan ng mga resource persons na padadaluhin.

Magkagayunman, sinabi ni Pimentel na kahit humarap sa Lunes si FPRRD sa imbestigasyon ay hindi muna ito maisasalang sa pagtatanong dahil uumpisahan muna niya ang pagdinig sa paglalatag ng isyu.


Uunahin ng senador na makwestyon dito ang mga naghayag ng iregularidad sa implementasyon ng drug war tulad ni dating PCSO Royina Garma na nagsiwalat ng reward system sa bawat mapapatay na drug suspect.

Kasama rin sa mga iimbitahan sina dating Senator Leila de Lima, resigned National Police Commission Commissioner Colonel Edilberto Leonardo, self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa, at mga pamilya ng mga biktima na pinaslang sa kampanya kontra iligal na droga.

Sa kabilang banda, sinabi pa ni Pimentel na bagama’t isasama niya na sa listahan si dating Pangulong Duterte sa mga padadaluhin sa drug war probe, hindi naman niya kontrolado ang behavior ng dating presidente kung sisipot ba talaga ito o hindi.

Facebook Comments