
Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na patuloy pang binubuo ang defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Sa virtual press briefing, sinabi ni VP Sara na mayroong darating na abogado ngayong araw na kaniyang kakausapin pero tumanggi itong pangalanan para maprotektahan ang privacy nito.
Ayon kay VP Duterte, tanging si British-Israeli lawyer Nicholas Kaufman na mangunguna para sa depensa ng dating pangulo ang kaniyang papangalanan.
Nilinaw rin ng pangalawang pangulo na obligasyon niya bilang bise presidente na buuhin ang support group ng dating pangulo para may tumulong na makalabas ito sa ICC detention center.
Pinag-uusapan din aniya ng kanilang kampo ang magiging gastusin sa kaso ng dating pangulo pero malaki ang posibilidad na mag-apply sila ng legal aid sa ICC.
Idinagdag ni VP Sara na posibleng magdesisyon na rin si dating Executive Secretary Salvador Medialdea na mag-withdraw sa legal team ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng medical condition nito.