Tumanggi si dating Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan ang mga drug lord na napatay noong war on drugs ng kanyang administrasyon.
Sa pagdinig ng House Quad Committee, hinamon ni Act Teachers Party-List Representative France Castro si Duterte na pangalanan ang mga “big fish” na napatay noong drug war upang patunayan na matagumpay ito.
Iginiit ni Duterte na mali ang tanong ni Castro kasabay ng tugon nito na itinatapon niya sa dagat at bundok ang mga drug lord lalo na kung hindi na ito kasya sa kulungan.
“Hindi ko na tinanong…bakit pa ako magtatanong. Basta ‘pag nahuli ang drug lord, I take over, lagay ko sa bangka, pagdating doon sa dulo talian ko ‘yung kamay pati paa tapos itapon ko,” saad ni Duterte.
Kinondena naman ni Castro ang sagot ni Duterte at kinwestyon ang pagsasawalang bahala nito sa due process o pantay na karapatan sa mga indibidwal na inaakusahan sa krimen.
“Mr. chair ‘wag mong gawing katatawanan ang hearing na ito. Naging presidente ka Mr. Chair, pero dapat alam niyo po ang due process at pagpapahalaga sa buhay. Hindi ‘yung ganyan. Sino bang may kasalanan bakit po congested ang ating mga kulungan,” saad ni Castro.
Una nang kinwestyon ni Commitee on Human Rights chairman Benny Abante Jr., kung bakit 21 na drug lord lang ang napatay sa drug war kumpara sa pitong libong mga drug pusher.
“Ang napatay na drug lord 21. Akala ko po ba lahat po ng drug lord dapat patayin, bakit 21 lamang? Ang pusher 7,000 samantalang napakarami pang drug lord na buhay ngayon nasa kulungan. Bakit nasa kulungan pa? Sapagkat maraming pera ‘yan? Pwedeng kumuha ng magaling na abogado ‘yan? O dapat po kung dapat patayin ang mga drug pusher, may napatay na mga user, dapat lalong patayin ang mga drug lord,” saad ni Abante.